Unibersidad ng Santo Tomas
Kolehiyo ng Komersiyo at Business Administration
Panukalang Pahayag:
“Mas magaling magbadyet ng salapi ang mga estudyanteng nagko-commute kaysa sa mga hindi nagko-commute na nasa unang taon ng pag-aaral sa Kolehiyo ng Komersiyo at Business Administration sa Unibersidad ng Santo Tomas.”
Produkto ng pag-aaral nina:
Laderas, Charmane, A.
Munoz, Virnalyn Mae, R.
Serevo, Jannine, B.
Tabulug, Camille Erika, T.
Tanzo, Liezel Ann, T.
Magaway, Michael Dominique, G.
(1CMID)
"Inaalay namin ang aming dugo't pawis para sa mga mamamayang mambabasang makatutuklas nito"
Panukalang Pahayag
“Mas magaling magbadyet ng salapi ang mga estudyanteng nagko-commute kaysa sa mga hindi nagko-commute na nasa unang taon ng pag-aaral sa Kolehiyo ng Komersiyo at Business Administration sa Unibersidad ng Santo Tomas.”
Introduksiyon ng Pananaliksik
Dahil sa lumalalang estado ng kahirapan sa Pilipinas, sinisikap ng mga Pilipino na gamitin ang kanilang mga yaman sa pinakawasto at pinakasulit na pamamaraan. Isa sa kanilang pinagtutuunang pansin ay ang paggamit ng salapi sa transportasyon patungo sa mga lugar batay sa kani-kanilang interes. Ang pagko-commute ay isang pangunahing paraan ng paggasta ng salapi para sa layuning makarating ang isang tao sa kanyang pupuntahan gamit ang mga pampublikong transportasyon. Sa kasalukuyan, maraming pampublikong transportasyon ang nakalaan para sa mga mamamayan, ang mga halimbawa nito ay ang mga dyip, bus, tricycle, pedicab, taxi, FX, at ang pinapatakbo ng pamahalaan na LRT at MRT. Para sa patas na kompensasyon ng serbisyo ng mga moda ng transportasyong ito, ang pamahalaan ay nagpapatupad ng mga batas ukol sa tama at legal na paniningil ng bayad sa mga pasahero. Ang ahensiyang pangunahing tagapagpatupad nito ay ang LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) sa ilalim ng pamamahala ng DOTC (Department of Transportation and Communication). Sa tuwing sasapit ang suliranin na nagtataas ang presyo ng mga produktong petrolyo na siyang nagpapatakbo sa mga pampublikong sasakyang ito, naglalabas ng fare matrix ang LTFRB na naglalaman ng mga karampatang bayad na tutugon sa suliranin sa pagtataas ng presyo.
Isa sa mga nakagagamit ng mga pampublikong transportasyong ito ay ang mga estudyante. Maraming estudyante ang pumapasok sa kani-kanilang mga paaralan gamit ang mga pampublikong sasakyang ito. Kaya’t sa kanilang kabuuang baong salapi sa pang-araw-araw, kasama sa paglalaanan ng gastos ay ang bayad sa pasahe. Nakagawa ng bahagyang paraan ang pamahalaan upang mabigyan ng angkop na pribilehiyo ang mga estudyante para makapagtipid kahit papaano ng kahit kaunting salapi sa pagsakay nila sa mga pampasaherong dyip. May laan sa kanilang pisong diskwento sa kabuuang bayad nila sa kanilang pamasahe. Dahil ang gobyerno ang pangunahing saligan ng bawat mamamayan sa bansa, nahihinuhang ang hakbang na ito ay isang panimula ng nais ipabatid sa atin ng pamahalaan, ang pagbabadyet at pagtitipid sa oras ng kahirapan. Ito ay mararamdaman lalung-lalo na ng mga estudyante sapagkat ito'y isang turo upang matuto sa wastong pagbabadyet ng kanilang salapi para sa pasahe ang mga estudyante.
Kahalagahan ng Pagbabadyet
Bilang isang estudyanye, mahalagang malaman kung papaano gagastusin ang kanyang baong salapi, nagko-commute man o hindi. Nakakatulong ito sa kaayusan ng paggastos, kawastuhan ng pamamahala sa salapi, at kung lumaon, pati sa pagkamit ng mga pangarap na may kinalaman sa kayamanan. Matututong bigyan ng limitasyon ang mga gastusin at malalaman kung saan nanggagaling ang salapi at saan ito dapat mapunta.
Layunin ng Pag-aaral
Nilalayon ng pag-aaral na ito na matukoy kung sino ang mas magaling magbadyet: mga nagko-commute o mga hindi nagko-commute, at ang kani-kanilang mga pamamaraan sa pagbabadyet sa pamamagitan ng paglilista ng kanilang mga pinagkakagastusan. Sinisikap din na mabanggit ang mga pangunahing pinagkakagastusan ng mga respondent at ang mga luhong bininili ng kapwa nagko-commute at ang hindi. Gamit ang mga datos na ito, maikukumpara sa lingguhang baong salapi ng mga nagko-commute at hindi nagko-commute ang lalabas na halaga ng natirang salaping binadyet. Sa pagkwenta o pagkompyut ng bahagdang natipid o nagastos, malalaman ang galing sa pagbabadyet na nais patunayan.
Inaasahang ang pag-aaral na ito ay makatutulong sa pagpukaw ng atensyon ng mga mamamayang mambabasa ukol sa kahalagahan ng salapi, lalung-lalo na ang pagbabadyet, at ang koneksyon nito sa simpleng gawaing pagko-commute.
Pagpapahayag ng Suliranin
Sinisikap na sagutin ng pag-aaral na ito ang mga sumusunod na katanungan:
1. Anu-ano ang maaaring maging hakbang para maibadyet nang wasto ng mga mag-aaral ang kanilang allowance lalung-lalo na pagdating sa pagko-commute?
2. Anu-ano ang mga kalakasan at kahinaan sa pagbabadyet ng mga mag-aaral na nagko-commute sa mga hindi nagko-commute?
3. Sino ang higit na may kakayahang makapagbadyet ng baong salapi, ang mga nagko-commute o ang mga hindi nagko-commute? Ano ang mga datos na makapagpapatunay nito?
4. Anu-ano ang maaaring maging ambag ng pag-aaral sa buhay at pamilya ng mga estudyanteng respondent?
Kahalagahan ng Pag-aaral
Ang pag-aaral na ito ay maaaring makapagbigay ng sapat na dahilan upang mas lalong iwasto ang pagbabadyet ng mga estudyante sa kanilang salapi. Sa kasalukuyang panahon, ang salapi ay hindi dapat masayang dahil sa mahirap at masalimuot ang guguguling oras upang ito’y muling kitain.
Para sa mga magulang, nilalayong ang pag-aaral na ito ay matulungang buksan ang kanilang isip para sa paggabay sa kanilang mga anak na estudyante hinggil sa tamang pagbabadyet ng salaping kanilang pinagsisikapang ibigay.
Para sa mga lipunang mambabasa, ang pag-aaral na ito ay sinisikap na maging isang ambag sa mga solusyon na maaaring hanapin ng mga Pilipino, lalung-lalo na ng mga mag-aaral, sa suliranin ng lumalalang kahirapan at makitid na tyansa sa pagbabadyet dahil sa kawalan ng wastong kaalaman tungkol dito.
Saklaw at Delimitasyon
Kakalap ang pag-aaral na ito ng pantay na bilang ng mga nagko-commute at hindi nagko-commute sa mga mag-aaral sa unang antas sa Kolehiyo ng Komersyo: limampung (50) respondent para sa mga nagko-commute at limampu (50) rin sa mga hindi nagko-commute. Ang bilang ng respondent na ito ay kakatawan sa kabuuang bilang ng mga nagko-commute at hindi nagko-commute sa mga mag-aaral na nasa unang antas lamang. Ang bilang na 100 na respondent, 50 para sa kapwa nagko-commute at hindi nagko-commute, ay napili dahil sa ito ay isang risonableng batayan ng interpretasyon ng datos na makakalap pagkat ito ay binubuo ng tinatayang 9.26% ng kabuuang populasyon ng mga estudyante sa unang taon ng pag-aaral sa Kolehiyo ng Komersiyo na aabot sa bilang na 1,080. Napili ang mga respondent sa pamamagitan ng espisipikong pagtataya batay sa resulta ng mga interbyu ng mga kinapanayam na mga estudyante. Ang mga respondent ay isa-isang kinausap upang makipag-ugnayan sa pormal na pakikipagpanayam na gaganapin. Ang mga ito ay representante ng iba’t ibang seksyon sa unang taon.
Ang kanilang paglalarawan sa pamamaraan ng kanilang pagbabadyet at estado ng pagko-commute o ng hindi pagko-commute lamang ang nilalayong makalap mula sa mga respondent.
Pamamaraan ng Pag-aaral
Disenyo ng Pananaliksik
Ang interview method ang gagamitin sa pag-aaral na ito. Pinaniniwalaan ng mga mananaliksik na ang metodolohiyang ito ay angkop para sa mabilisang pagkalap ng impormasyon ukol sa detalye ng pagbabadyet ng mga mag-aaral sa kanilang baong salapi at bahagdan ng kanilang pagtugon sa suliranin ng pagko-commute. Ngunit, upang makalap ang mas malalim na katotohanan ng interview method, naniniwala rin ang mga mananaliksik na dapat gamitin ang pagkaklasipika at pagtatala ng mga aktwal na datos kalakip ng mga una nang nasabing metodolohiya. Matutuklasan dito ang magiging batayan ng interpretasyon sa pag-uuri-uri at pagbibigay-halaga sa mga pamimilian na nakatala sa isusumiteng talatanungan.
Bilang pangunahing instrumento sa paglikom ng datos, ang talatanungan ang gagamitin sa pormal na pakikipagpanayam sa mga respondent tungkol sa kanilang kinalalagyan sa paksang epekto ng pagko-commute sa kabuuang pagbabadyet ng kanilang allowance.
Kalahok sa Pag-aaral
Sinikap ng mga mananaliksik na kapanayamin ang isang daang (100) respondent: limampu (50) ang mga nagko-commute at limampu (50) rin ang mga hindi nagko-commute. Lahat ay pawang nasa unang taon ng kanilang pag-aaral sa Kolehiyo ng Komersyo. Nilayon na 100 respondent ang kapanayamin upang ang pag-aaral ay mas maging katotohanan sa paglalahat ng magiging resulta sa kabuuang bilang ng populasyon ng mga mag-aaral sa unang antas. Ang bilang na isang daang (100) respondent ay tinatayang kumakatawan sa 9.26% ng kabuuang populasyon ng mga mag-aaral sa unang antas sa Kolehiyo ng Komersiyo na aabot sa bilang na 1,080.
Kaalaman sa Pagbabadyet
Kahalagahan ng Pagbabadyet
Baong salapi (Lingguhan)
Kabuuang gastos (Lingguhan)
Inilalaang halaga ng salapi ng isang commuter (kada araw)
Inilalaang halaga ng salapi ng isang hindi commuter (kada araw)
Salaping natitipid (Lingguhan)
Ang mga nagko-commute ay nagkakaisa sa sagot pagdating sa kanilang konsepto at karunungan sa pagbabadyet, ipinapahayag ng mga respondent na ang pagbabadyet ay paraan ng pagtitipid, pag-aayos at tamang paghawak sa salapi. 94% respondent na nagko-commute ay nagsabing marunong sa pagbabadyet, at ang natirang 6% ang nagsabing bahagya ang kaalaman sa pagbabadyet. Ang mga hindi nagko-commute ay hati sa kanilang mga tugon, 78% ang nagsabing marunong sa pagbabadyet, 18% ang nagsabing hindi marunong, at 22% ang may bahagyang kaalaman.
Ipinapahayag ng mga tugon ng mga respondent, kapwa nagko-commute at hindi nagko-commute, na ang pagbabadyet ay mahalaga, ngunit sa sukat ng kahalagahan nito makikita ang pagkakaiba sa tugon ng dalawang panig. 60% ng mga nagko-commute ang nagsabing “mahalagang-mahalaga” o “sobrang halaga” ng pagbabadyet, ang natirang 40% ay nagsabing “mahalaga” lamang ito. Habang ang mga hindi nagko-commute ay nagpahayag na 34% lamang ang “sobrang halaga” at 66% naman sa ang “mahalaga.”
Lumabas sa mga resulta ng pagtatala ng mga datos na higit na mataas sa kabuuan ang baong salapi na dinadala ng mga nagko-commute kaysa sa mga hindi nagko-commute. Ang lingguhang baong salapi ng mga nagko-commute batay sa interpretasyon ng mga datos ay umaabot mula isang libo at tatlong daang piso hanggang isang libo at walong daang piso (1,300-1,800). Ang lingguhang baong salapi naman ng mga hindi nagko-commute ay umaabot lamang mula isang libong piso hanggang isang libo at tatlong daang piso (1,000-1,300). Sa halaga ng gastos makikita ang pagkakaiba ng galaw ng salapi ng isang nagko-commute at ng isang hindi nagko-commute. Mas mataas ng 10% ang gastos ng mga hindi nagko-commute sa eskala ng mga halagang pitong daan at limampung piso hanggang isang libong piso (750-1,000) kaysa sa mga nagko-commute. Ngunit, sa eskala ng mga halagang limang daang piso hanggang pitong daan at limampung piso (500-750), higit ng 16% ang mga nagko-commute kaysa sa mga nagko-commute. Lumalabas na 6% ang naging lamang sa paggastos ng mga nagko-commute kapag ang eskala ay pinalawak mula limang daang piso hanggang isang libong piso (500-1,000).
Sa kabuuan, pagkain ang pangunahing pinaglalaanan ng gastos ng mga estudyanteng respondent sa pag-aaral na ito, nagko-commute man sila o hindi. 94% ng mga nagko-commute ang naglaan ng baong salapi para sa pagkain samantalang ang mga hindi nagko-commute ay 90% naman. Naiintindihan nang malawak talaga ang pagkakaiba ng dalawang panig kung pagtutuunan ng pansin ang salaping laan para sa pamasahe, 88% ng mga nagko-commute na respondent ang naglalaan ng pamasahe para sa sarili, malayo sa inaasahang 100%. 0%, para sa kaalaman ng lahat, ang para sa mga hindi nagko-commute. Ang mga pangangailangan sa eskuwela, tulad ng mga school supplies, mga kagamitan sa proyekto, at iba pa, ay mas mabilis na natutugunan ng mga nagko-commute dahil 54% sa mga respondent ay naglalaan nang kanilang kabuuang baong salapi dito kumpara sa 36% ng mga di nagko-commute. Sa kasuotan makikitang hindi gumagastos ang mga nagko-commute, ngunit ang maliit na bahagdan ng mga hindi nagko-commute na 26% ay nakapamimili pa ng mga damit. Ang paggastos naman sa bisyo o luho ay halos magkaparehas lamang sa mga nagko-commute at hindi, 10% lamang ang pagkakaiba ng bilang ng mga may bisyong nagko-commute at hindi nagko-commute. Higit nang 4% ang bilang ng mga nakakapaglakwatsang respondent na hindi nagko-commute. Mas bumibili rin ng tubig ang mga nagko-commute pagkat higit nang 24% ang bumibili ng tubig na nagko-commute kaysa sa hindi. 34% naman ng mga hindi nagko-commute ang sariling nagpapakarga ng langis sa kanilang sasakyan at mas nakakapagpa-“load” ang 26% ng mga ito. Ang mga hindi nagko-commute rin ang may kakayahan makabili o makapaggastos ng karadagang salapi para sa iba pang mga bagay, 22% ang mga respondent na tulad nito kontra sa 2% ng mga nagko-commute.
Sa galing ng paglalaan ng gastos, ang mga nagko-commute ay inuuna ang mga pangunahing pangangailangan, ang pagkain, tubig, gamit sa eskuwela, at pamasahe, maliban sa kasuotan. Malimit ang paglalaan ng salapi ng mga nagko-commute ay nasa mababa o murang halaga. Halimbawa ay ang sa pagkain at sa tubig, 48% ng mga respondent na nagko-commute ay nakalaan ang baong salapi sa mga pagkaing hindi lalampas ang halaga sa limampung piso (0-50), at 30% ang naglaan sa tubig na pareho rin nang halaga.
Ang mga hindi nagko-commute ay mataas ang paggasta dahil sa paglalaan ng salapi sa mas mahal o mas mataas na halaga, halimbawa ulit ay ang sa pagkain, 36% ng mga hindi nagko-commute ay nakalaan ang baong salapi para sa mga pagkaing ang presyo ay isang daang piso hanggang dalawang daan at limampung piso (100-250). Makikita rin ang malaking pagkakaiba ng paglalaan ng mga hindi nagko-commute ng salapi sa kanilang paglalakwatsa, 38% sa mga ito ay gumagasta ng dalawang daan at limampung piso hanggang limang daang piso para lamang sa lakwatsa.
Ang galing sa pagbabadyet ay malalaman sa halaga ng salaping natipid. 52% ng mga nagko-commute ay nagsabing limang daang piso hanggang pitong daan at limampung piso (500-750) ang kanilang natitipid sa buong isang linggo. Laban ito sa 38% lamang ng respondent na hindi nagko-commute sa parehong eskala.
Para sa mga nagko-commute, ang abilidad nila ay mas nakalalamang pagdating sa pagbabadyet dahil sa kanilang higit na kakayahang timbangin ang halaga ng mga bagay-bagay na kanilang binibili. Mas napag-iisipan nilang mabuti ang paggastos lalung-lalo na kapag ang pamasahe ay inaalala. Para sa mga hindi nagko-commute, ayon sa kanilang mga tugon, hindi na nila kailangan pang pagdaan ang pagod at hirap ng pagko-commute dahil may kani-kanila na silang mga sasakyan, at dahil dito, ang pagbabadyet dulot ng pagkabahala sa kanilang pamasahe ay hindi na nila kailangan pang danasin. Ang pagbabadyet, ayon sa kanila, ay mas maluwag dahil wala nang dagdag pang pasaning iniisip tulad ng pag-iisip sa pamasahe.
Konklusyon
Sa kabuuan ng pag-aaral, natimbang at napagkumpara ang mga katangian at abilidad ng mga respondent na nagko-commute at hindi nagko-commute, kung papaano isinasagawa ang mga pamamaraan ng kanilang pagbabadyet at nang lumaon, ang pagtitipid. Isa sa mga misyon ng pagbabadyet ay mabawasan ang halagang nauubos sa regular na paggasta. Kakabit ng pagbabadyet ang pilosopiya ng pagtitipid, at kung hindi iniisip ang pagtitipid habang nagbabadyet, walang saysay ang gawaing ito. Samakatwid, ang maaaring maging produkto ng pagbabadyet ay ang naitabi o natipid na salapi.
Sa loob ng pag-aaral, nakita ang pagkakaiba ng gawi at kilos ng salapi sa magkaibang uri ng estudyante sa ilalim ng magkaibang moda ng transportasyong kanilang ginagamit. Naipakita ng mga datos na ang mga nagko-commute ay tunay na mas magaling magbadyet kaysa sa mga hindi nagko-commute.
Unang batayan, ang mga nagko-commute ay mas inuuna ang mga mabibigat na pangangailangan kaysa sa mga luho.
Pangalawang batayan, ang mga nagko-commute ay mas pinipiling ilaan ang salapi sa mga mas murang halagang produkto, pagkain man o kahit anong bagay.
Ikatlong batayan, ang mga nagko-commute, kahit na nakita at napatunayang mas mataas ang mga baong salapi, tumaas lamang ito dahil sa karagdagang alokasyon para sa kanilang pamasahe. Hindi nagamit ang laki ng kanilang baong salapi sa mga hindi kinakailangang mga bagay.
Ika-apat na batayan, ang mga nagko-commute dahil sa pagkabahala sa halaga ng baong salapi na nakalaan para sa kanilang pamasahe ay mas limitado at mas disiplinado ang pamamaraan ng paggasta.
Ang pag-aaral na ito ay kinilala ang simpleng akto ng pagbabadyet ng mga estudyante at ang kanilang pagtitipid bilang isang maliit ngunit mabisang paraan upang malabanan ang lumalalang problema ng kahirapan sa bansa.
Rekomendasyon/Payo
Sa mga nagko-commute, wasto ang ipagpatuloy ang pagbabadyet ng baong salapi para sa pamasahe dahil natututunan ang tamang paghawak at pamamahala sa pera. Sa mga hindi nagko-commute, makakaambag sa kanilang kaalaman sa pagbabadyet ang pagko-commute dahil matututunan dito ang kahalagahan ng salapi at kung papaano ang tamang paghawak dito.
B
ReplyDeleteR
S
A-48
N-47 +
Kabuuan=95
Para sa kahulugan ng mga titik, pumunta sa www.babe-ang.blogspot.com.
Maraming salamat sa rekomendasyon para sa tamang paghawak ng pera.
ReplyDeleteNegosyongPinoy.info